24/05/2026
Gabay at Aral sa Couple's Retreat
John Abel Villa, Tarlac
Noong nakaraang araw, kami ng aking asawa ay napiling dumalo sa isang Couple’s Retreat. Ito ay naging isang masaya at makabuluhang karanasan para sa amin. Marami kaming natutunan mula sa aming mga kapwa kalahok at sa mga speakers na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan.
Nagkaroon din ng pagkakataon na magbahagi ang bawat isa ng kanilang kwento tungkol sa kanilang relasyon. Bukod dito, nagkaroon din ng photoshoot kung saan kami ay naka-couple na kasuotan—isang simpleng alaala ngunit may malaking kahulugan.
Sa retreat na ito, mas nakilala namin ang aming sarili at ang isa’t isa, pati na rin ang aming mga tungkulin bilang mag-asawa. Natutunan din namin na kahit pare-pareho ang mga pagsubok na pinagdaraanan ng mag-asawa, nagkakaiba-iba pa rin ang paraan kung paano ito hinaharap at nilulutas.
Pinakatumatak sa amin ang kahalagahan ng komunikasyon. Hanggang ngayon ay patuloy namin itong isinasabuhay. Naniniwala kami na mas nagiging matibay ang samahan kapag may bukas na pag-uusap, pag-unawa, at agarang paghahanap ng solusyon sa problema. Higit sa lahat, napagtanto namin na mahalaga ang presensya ng Diyos sa aming relasyon upang lalo itong mapagtibay.
Sa kabuuan, ang Couple’s Retreat na ito ay nagpatibay pa lalo sa aming pagsasama bilang mag-asawa. Hindi man maiiwasan ang mga problema, ngunit sa pamamagitan ng pagkakaunawaan, komunikasyon, at gabay ng Diyos, naniniwala kaming mas tatagal at titibay pa ang aming samahan.