12/01/2026
8-ANYOS NA BATANG LALAKI, WALANG HABAS NA PINAGTATAGA SA SAN PABLO CITY
Isang walong taong gulang na Grade 3 pupil, na biglang nawala habang papa*ok sana sa paaralan, ang natagpuang patay sa liblib na lugar sa Brgy. Santiago 2, San Pablo City noong nagdaang Biyernes, Enero 9.
Ayon sa kapatid ng biktima, brutal na pinaslang ang kaniyang kapatid na si Gianni Rick Nordero matapos itong pagtatagain nang paulit-ulit ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ang bata ng malulubhang sugat sa leeg, tiyan at mga daliri, gayundin ng pinsala sa tainga at pagkabali ng ilang tadyang.
Nanawagan ang pamilya ng biktima sa mga opisyal ng pamahalaan para sa tulong upang makamit ang hustisya.
“Parang awa nyo na po, nahingi po kami ng tulong kay Atty. Percida Acosta, tulungan niyo po kami. Sana po makamit ang hustisya ng kapatid ko, wala po siyang kamalay-malay,” emosyonal na pahayag ng kapatid ng biktima.
Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-6:00 ng umaga ng Biyernes, nakahanda na ang biktima upang puma*ok at iniintay na lamang ang kaniyang ama na matapos maligo upang ihatid siya sa paaralan nang bigla itong mawala.
Inakala ng pamilya na nauna na ang bata sa eskuwela dahil ang bag lamang nito ang naiwan sa bahay.
Subalit nang dalhin ng ama ang bag sa paaralan, wala roon ang bata.
Ilang ulit itong bumalik sa eskuwela ngunit hindi pa rin matagpuan ang anak.
Dito na nagpasya ang pamilya na humingi ng tulong upang hanapin ang bata.
Bandang alas-11:00 ng umaga, natagpuan ang duguang bangkay ng bata sa isang liblib lugar malapit sa isang kuweba, humigit-kumulang 50 metro ang layo mula sa tanging daanan na nag-uugnay sa bahay ng biktima patungo sa pangunahing kalsada.
Ayon sa pamilya, wala silang maisip na sinuman na maaaring gumawa ng krimen.
“Sa sinapit po ng kapatid namin, karumaldumal. Hindi po talaga matatanggap namin, parang awa nyo na po tulungan nyo po kami,” pagpapatuloy ng kapatid ng nasawing bata.
Nag-alok ng P150,000 na pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pagkakakilanlan ng pumatay sa bata—P100,000 mula sa Lokal na Pamahalaan ng San Pablo City at P50,000 mula sa mga opisyal ng Barangay Santiago 2.
Samantala, personal namang dumalaw sa lamay at nagpahayag ng pakikiramay ang San Pablo City Mayor na si Arcadio “Najie” Gapangada Jr., at mariing kinondena ang krimen.
“Sobrang brutal ang ginawa sa bata, karumaldumal. Hindi natin papayagan ito. Sa abot ng ating makakaya, tinutugis na siya ng ating kapulisan at lahat ng operatives,” pahayag ng alkalde.
“Sa gumawa nito, sumuko ka na kung gusto mo pang lumawig kahit kaunti ang iyong buhay. Ang ginawa mong karumaldumal ay walang kapatawaran,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni PLTCOL Redentor Tiraña, hepe ng San Pablo City Police Station, na mayroon nang isang lalaking person of interest (POI) na nasa kustodiya ng pulisya at posibleng sangkot sa krimen.
“Ang mga imbestigador ay may nakausap na mga saksi. May dugo sa damit, at bago mangyari ang krimen, siya lamang ang nakitang naghahasa ng itak,” ayon kay Tiraña.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang POI, at inaalam din ng mga awtoridad kung ito ay nasa impluwensiya ng ilegal na droga.
Umaalalay na rin ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pamilya ng biktima.
Source/Photo: ABS-CBN News; Laguna Patrol