11/01/2023
CN NUMISMATICS OPINION: KAILANGAN NGA BA NG GLOVES?
Madalas na marinig ng mga kolektor ng perang papel ang tanong na, “bakit hindi ka gumagamit ng gloves,” kapag hinahawakan ang ating koleksyon. Minsan ay nagiging suhestiyon pa ito ng pag-aalala, sinasabi na baka naman masira o madumihan ang papel kapag ginagamit lamang ang kamay sa paghawak.
Ngunit, kailangan nga ba talaga ng gloves sa paghawak ng perang papel, o maaari bang mas mapababa pa nito ang kalidad ng ating koleksyon?
Magandang sagutin ang tanong na ito kung titignan natin ang nakagawiang dahilan kung bakit kinakailangan ang gloves. Maraming nagsasabi na ito ay para maiwasan umano ang mga “mapanirang kemikal” o dumi na mayroon ang ating mga kamay, na baka mahawa sa ating koleksyon at magkaroon ng mga stains o mantsa.
Kung ibabatay natin sa mga eksperto, sila mismo ang nagsasabi na ito ay hindi magandang kagawian. Bagama’t mayroon ngang mga ilang kemikal ang ating kamay, tulad na lamang ng natural oils na inilalabas ng ating balat, ito ay hindi ganoon kalaking problema, lalo na kung hahawakan lamang natin ang perang papel ng mga ilang minuto, o sa pinakamahaba, hanggang isang oras.
Karamihan ng mga archivist o librariansna nagtatago ng mga mahahalagang dokumento o libro ay hindi rin gumagamit ng gloves, kahit na gaano pa ito kaluma. Ayon sa kanila, sapat na ang malinis na kamay at maingat na kaisipan ng tao upang pangalagaan ang kalidad ng anumang klase ng papel. Maliban na lamang sa mga mutilated o sira-sirang mga papel, na kinakailangan na ng mga kagamitan upang hindi palalo itong masira.
Sa kabilang banda, ang paggamit naman ng gloves ay maaaring magbigay problema pa sa ating mga koleksyon, lalo na kung ito ay may mga mapanirang kemikal o powder na maaaring maipon sa perang papel at magkaroon ng reaksyon. Higit pa dito, ang paggamit ng gloves ay nagtatanggal ng “sensitivity” sa ating kamay, na nagbibigay pa ng pagkakataon na mapunit o matupi ang perang papel.
Kaya para sa ating mga kapwa kolektor at numismatists, mahalagang tandaan na hindi na kailangan ng gloves sa paghawak ng ating minamahal na koleksyon.
Sapat na ang paghuhugas ng kamay, lalo na ang pagsabon, bago hawakan at kilatisin ang perang papel. Siguraduhin ring nasa maayos at matibay na lalagyan ito, tulad ng mga rigid holders upang masiguro na hindi ito magkakaroon ng anumang tiklop.
Happy collecting!
Written by: Carwyn San Luis Candila. English translation soon available.