27/10/2020
Kislap sa mga Mata
Masaya akong naglalakad patungong simbahan.
Maaliwalas ang paligid at pakiwari ko ay magaan ang aking pakiramdam.
" Bakit sarado ang pinto?"tanong ko sa aking sarili.
Nagulat ako nang binuksan ko na ang pintuan ng simbahan.
"Ano ito? Bakit may maliit na kabaong?"
Luminga-linga ako sa paligid, may ilan na ring naroon subalit waring hindi sila natakot at nabahala sa nakahambalang na kabaong sa pintuang kanilang dadaanan.
Nagtaka din ako sa aking sarili dahil ako ang naglakas-loob na magbukas at tumunghay kung sino ang batang nasa loob nito.
Anghel sa pakiwari ko ang itsura niya nang aking mamasdan.
Payapang-payapa ang kanyang mukha at tingin ko'y parang babae.
"Hala, bakit biglang dumilat at ngumiti sa akin ang batang nasa loob ng himlayan nito?"
Laking pagtataka ko sa aking sarili subalit wala naman akong takot na naramdaman.
Ito ang paminsan-minsang alaala na sumasagi sa aking isipan at naikukuwento ko sa mga taong malapit sa akin.
"Ang mga anak ko talagang biyaya sila sa amin ng Diyos."
Isa lamang ito sa kuwento ng apat ko pang mga anak.
Lagi sa panaginip ako unang pinapaalalahanan kapag ako'y magdadalang-tao.
Sa totoo lang, ang plano naming mag-asawa ay isang anak lang talaga.
Pero magtataka ka, dahil ang isa ay naging lima!
Mahirap kasi ang buhay nang walang permanenteng trabaho.
Minsan nga masasabi mo mas mainam pang hindi ka nakapagtapos ng kolehiyo dahil hindi ka mahihiyang maglabandera para lang kumita ng pera ay may panustos sa pangangailangan araw-araw.
Noon iyon subalit nang may trabaho na,okay naman pala ang lima.Mahirap lang magpalaki lalo't mga sakitin noong bata pa.
Basta mayroon akong paniniwala na" kapag ang anak na marami na pinagyaman ay magiging kayamanan ng magulang." Sana nga magawa naming mapagyaman.
Ang batang binabanggit ko sa panaginip ay dalawampung taong gulang na ngayon. Masaya akong gunitain ang mga pangyayari bago sya isinilang sa mundong ito.
Dahil siya pala ang inaakala kong anghel na walang buhay na siyang nagbibigay katuwaan sa aming pamilya hanggang ngayon.
Madalas ko siyang ipagmalaki sa mga nakakausap ko.Ewan ko lang kong natutiwa nga sila sa kuwento ko patungkol sa kanya.
"Mabait talaga ang anak ko na iyan, pinagalitan ko na nang todo-todo hindi man lang yan iimik,kahit alam ko rin minsan na nahihirapan na sya at may gagawin pa siyang iba.
Hindi siya reklamador! Kahit itanong nyo sa aming bunso.
Iyon bang hindi ko naranasan noong ako'y nag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo nagagawa ko ngayon. Ang umakyat sa entablado at magsabit ng medalya.
Ako madalas ang tagasabit niya.
Hindi ba malaking kasiyahan iyon sa atin bilang ama at ina?
Salamat din dahil biniyayaan siya ng talento sa pagguhit na minsan iniisip ko,"pwede na siyang pakawalan, kayang-kaya nya nang tumayo sa sariling paa."
Sabi nila ang pinakamagandang pamana na maaaring ibigay magulang sa kanyang mga anak ay hindi kayamanan kundi karunungang magagamit nya sa kanyang buhay.
Karunungang hindi ka ililihis kung ano ba ang tunay na dahilan bakit tayo naririto sa ibabaw ng mundo.
Isang bagay lang ang patuloy kong hiling at laging panalangin.
Maging mabuti kang tao hanggang sa pagtanda mo... parang batang anghel na magpapasaya sa mga taong makakadaong-palad mo sa mundong ito.