25/03/2022
Sa pag-alis ko, ako'y bumalik dahil may Pakay at Pangako ako.
Ako po si Atty. Tony Roman o mas kilala ninyong “TikTok Lawyer.” Matagal po akong nanirahan sa Amerika, pero umuwi po ako noong 2019 dahil napagtanto kong ang Pakay ko'y narito sa Pilipinas. Tumutupad din ako sa Pangako ko kay Daddy na gamitin ang puso at galing sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa Bataan.
Tatakbo ako sa Mayo 2022 bilang Provincial Board Member o Bokal sa Unang Distrito ng Bataan (Hermosa, Orani, Samal, at Abucay). Pero bakit Bokal?
Bilang Bokal, maaari akong lumikha ng batas o ordinansa na pwede munang subukan sa lalawigan bago ito tularan ng Kongreso para ipatupad sa buong bansa. At tiyak na mauunahan ng Sangguniang Panlalawigan, na kinabibilangan ng Bokal, ang Kongreso sa paglikha ng mga makakatulong na batas dahil mas maliit ito.
Sa pagiging Bokal, yayaman din ang aking pag-unawa sa local government na makakatulong sa akin paglilingkod sa hinaharap dahil ang pamamahala ay talaga namang dapat magmula sa ibaba.
Sa pagiging Bokal, balak kong ipagpatuloy ang ginagawa ko bilang abogado. Bilang abogado, kinakausap ko ang kliyente para ganap na maintindihan ang problema niya at makapagbigay ng tamang payo. Bilang Bokal, balak kong kausapin kayo para maunawaan ang problema ninyo para maging bahagi kayo ng solusyon sa problema.
Sabi ng iba, maliit ang pagiging Bokal para sa akin. Naniniwala akong walang maliit o malaki sa pagtulong sa kapwa, at mas mahalaga ang maging tapat at matuto para mas maraming matulungan. Kaya handa akong magsimulang maglingkod bilang Bokal. Gayunpaman, magtiwala kayong patuloy akong magbibigay ng free legal advice sa lahat.
Salamat po sa inyong pag-unawa at suporta. Samahan ninyo po ako sa aking panibagong journey.