26/03/2019
PANALANGIN PARA SA KARANGALAN NI SANTA ANA, INA NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
Mapagmahal na Santa Ana, Banal na Ina ng Birheng Maria, pinipintuho ka namin. Lubos kaming nagpapaampon at nagtitiwala sa iyong kabanalan. Kalingain mo kaming lahat na nangangailangan, lalung-lalo na ang mga may higit pang mabigat na suliranin at pagsubok sa buhay.
Minamahal naming Santa Ana, ang kahulugan ng iyong ngala’y grasya at awa, kaya’t patuloy kang nakikinig sa pagtawag ng mga nagpapakupkop sa iyo. Tulungan mo kaming mabigyan ng higit na halaga ang tunay na kahulugan ng aming buhay sa lupa, ang buhay na “isang paglalakbay patungo sa Ama sa langit.” Tulungan mo kaming mapalapit kay Hesus at maisabuhay namin ang Salita ng Diyos.
Matupad nawa namin ang aming tungkulin sa buhay at ang kabanalang kailangan sa aming kaligtasan. Manalig nawa kaming lubos at sumampalataya sa pag-ibig ni Hesus. Maimulat nawa namin sa iba ang paghahari ng Diyos sa kanila lalo na sa loob ng pamilya. O Mahal na Santa Ana, ikaw ay isang naging banal na Ina na nagpalaki kay Birheng Maria sa biyaya ng Diyos. Ikaw ay isang banal na asawa ni San Joaquin na taos-puso mong minahal. Naramdaman mo ang pananatili ng biyaya ng Kaharian ng Diyos sa iyong pamilya at ang biyayang ito ay ibinahagi sa kapwa tao.
Palakasin mo ang pagmamahal namin sa aming pamilya bilang pinagmumulan ng pananalig sa kabutihan. Ipinapanalangin namin sa iyo na manatili ang kabutihan at kabanalan sa lahat ng mga pamilya, kagaya ng pamilya mo at ng Banal na Mag-anak ng dakila mong anak na si Birheng Maria. Nawa ang kabutihan at kabanalan sa aming pamilya ay maibahagi rin namin sa lahat, lalung-lalo na sa aming lipunan. At sa pamamagitan ng ganitong pakikibahagi, kami ay maging huwaran din, kagaya mo, sa pagkakaroon ng buhay na may tunay na pagmamahal, paglilingkod, at pagmamalasakit sa mga naghihirap. Gabayan mo kami sa pagtupad ng aming tungkulin bilang mga Kristiyano na nananalig sa Ebanghelyo ng Kaligtasan.
Amen.