04/03/2026
“Sa Gitna Namin”
Hindi buo ang pamilya namin.
Grade 6 ako nang magsimulang magbago ang lahat.
Noong una, hindi ko pa ramdam. Bata pa ako noon. Akala ko away lang na lilipas din. Akala ko ganito lang talaga minsan ang pamilya — may sigawan, may tampuhan, tapos babalik din sa dati.
Pero hindi na kami bumalik sa dati.
Nagkaroon si Papa ng bagong kasama sa buhay.
Nagkaroon din si Mama ng panibagong pamilya.
At kami ng kapatid ko? Naiwan kami sa gitna.
Kasama ko si Mama at ang kapatid ko sa bahay, kasama ang stepfather ko. Ilang beses na kaming nagkahiwa-hiwalay bilang mag-iina. Paulit-ulit kaming nag-aayos, pero parang laging may kulang. Parang laging may basag na hindi na kayang buuin.
Ang masakit?
Akala ko okay na ako.
Akala ko tanggap ko na.
Akala ko sapat nang makita silang may kanya-kanyang katuwang sa buhay. Iniisip ko, siguro masaya na sila. Siguro nakausad na sila.
Pero habang tumatanda ako, mas lalo kong nararamdaman ang bigat.
Hindi na namin naranasan ulit ang pakiramdam ng buo at masayang pamilya. Yung sabay-sabay kumakain na walang ilangan. Yung tatawanan lang ang mga simpleng bagay. Yung may matatakbuhan ka kapag may mabigat kang dinadala.
Ang hirap magsabi ng “Ma, Pa, kailangan ko kayo.”
Parang wala na akong karapatang umiyak sa kanila.
Parang may kanya-kanya na silang mundo, at ayokong maging dagdag pa sa problema.
Nakikita ko sila. Nakakasama ko sila.
Pero may distansyang hindi ko maipaliwanag.
Hirap akong yumakap.
Hirap akong magsabi ng “mahal ko kayo.”
Hirap akong maramdamang nandiyan sila para sa amin.
Minsan napapatanong ako—
Saan ako sasandal kung pakiramdam ko wala nang kabuluhan ang buhay ko?
Hindi ko naman sila sinisisi.
Hindi ko rin alam kung galit ba ako o malungkot lang talaga.
Ang alam ko lang, may batang Grade 6 pa rin sa loob ko na umaasang balang araw, gigising ako at buo ulit ang pamilya namin.
Pero habang hinihintay ko ang bagay na alam kong baka hindi na mangyari, natutunan kong tumayo mag-isa.
Unti-unti.
Para sa kapatid ko.
Para sa sarili ko.
Dahil kahit hindi buo ang pamilya ko, hindi ibig sabihin na hindi ako buo bilang tao.
At kung may katulad man akong nagbabasa nito ngayon—
yung pakiramdam na naiwan sa gitna,
yung hindi alam kung saan lulugar,
yung hindi makaiyak nang malakas kasi baka sabihing “okay ka naman diba?” —
Hindi ka nag-iisa.
Hindi man buo ang pamilyang kinalakihan natin,
pwede pa rin tayong bumuo ng mas maayos na kinabukasan.
At balang araw,
hindi na ito magiging kwento ng sakit —
kundi kwento ng kung paano tayo naging matatag.